Wednesday, March 14, 2012

A Dad's Letter to his Son


During my nephew's birthday, my brother made this letter and posted it on his son's Facebook's wall. Upon reading the epistle, I can't help myself but cry. I was touched.

Just try to read it, maybe your father felt the same for you as my brother did for his son.

Alaala Mo. Alay ko sa Birthday Mo
by Ptr. Jess Salvar on Tuesday, June 28, 2011 at 5:32am

Ambilis talaga ng panahon, di ba? Naaalala ko pa nga noon, parang ayaw ko nang lumayo sa'yong tabi, sa iyong pagtulog, 'andun ako yakap-yakap ka. Sa'yong paggising, sa paglalaro, pagkain at pati na sa pagligo, andon ako palagi sa tabi mo. Lumundag nga sa tuwa ang puso ko no'ng una kong marinig nang sambitin ng mga labi mo ang katagang "Papa! Papa!". Hindi ko maintindihan ang aking naramdaman. Para bang nakarinig ako ng isang mahiwagang boses na s'yang nagpagaan sa lahat ng bigat sa aking katawan. Gusto ko ngang ipagsigawan noon na marunong ka nang magsalita, kaso tayo lang dalawa noon ang magkasama (nasa work si mama). Mas lalo akong natuwa noong ikaw ay unang tumayong mag-isa at talagang ikinamangha ko pa noong inihakbang mo ang iyong mga paa. Lahat-lahat ng nangyayari sa buhay mo'y nasubaybayan ko na. Ang iyong paghihirap, sa tuwing ika'y magkakasakit, ay paghihirap ko rin noon. Kung pwede pa nga lang ako ang aako sa lahat ng iyong nararamdaman. Muntik ko na ngang saktan ang mga nars sa ospital noong ika'y unang tusukan ng karayom. At ako'y napapaiyak na lamang sa tuwing pinagmamasdan kitang himbing na himbing na natutulog habang tangan mo ang mga tubong nakakabit sa iyong maliit at napakalambot na kamay.

Alam mo, andami ko pang di malimutan noong tayo pang dalawa ang nagkasama, noon bang panahon na tayo lang talaga, wala nang iba. Dahil sa'yo nagkaroon ng halaga ang buhay ko. Ikaw kasi ang nagbigay sa akin ng lakas upang lumaban at harapin ang hamon ng buhay. Dahil sa'yo nagkaroon ako ng kumpyansa sa sarili. Ikaw ang lakas ng aking kahinaan. Sa lahat ng aking pagkakamali, ikaw ang tumutuwid at lumaban. Pati nga ang medalya na aking inaasam-asam, ikaw na rin ang kumuha. Pakiramdam ko'y para bang ang lahat ng nakakamit mong tagumpay  ay katagumpayan ko rin.


Pero alam mo, nak? Nababatid ko. Meron na 'atang mga pagbabago. "Time Changes" 'ika nga. Lumalaki ka na. At kasabay nun para bang unti-unti ka na ring lumalayo sa akin. Para bang ayaw mo na ring palaging nandiyan ako sa tabi mo. Iba na rin palagi ang ka-text mo (andami ngang mga girls sa school n'yo nagpapa "regards" sa 'yo). Pero alam mo, okay lang naintindihan ko naman. Nagbibinata ka na kasi. Pero alam mo, na mi-miss ko na 'yong halik mo bago ka pumasok sa school sabay sabi "Pa, aalis na ako". Na mi-miss ko na rin ang yakap mo sa tuwing ika'y bumabalik sa school at nagbabalita na malaki ang nakuha mong score sa exam. Pero okay lang kahit naninibago ako, naiintindihan pa rin kita. 
Malaki ka na. Pumayag man ako't sa hindi darating ang panahon na magkakaroon ka na nang sariling buhay at bubukod. Papayag man ako't sa hindi, iiwanan mo na rin akong mag-isa. Pero pati 'yon 'wag mong ikabahala, dumating man ang mga panahong iyon. Kasa-kasama pa rin kita. Ikaw at ang iyong mga alaala. Dahil kahit saan ka man mapunta. Anak, di mo maalis-alis kay tatay, "Mahal na mahal na mahal na mahal kita".


Happy birthday, anak.... Pasensya na. Tanging itong sulat lang ang naihanda ko ha.


0 comments:

Post a Comment